Publiko, pinaghihinay-hinay sa pagkonsumo ng alcohol ngayong holiday season

 

Bukod sa mga paalala sa pag-iingat at pag-iwas sa paggamit ng paputok ngayong Bagong Taon, pinagdadahan-dahan din ang publiko sa pag-inom ng alcohol o mga nakalalasing na inumin.

Matatandaang sinabi ni Health Secretary Teodoro Herbosa sa Senado na maliban sa mga insidente ng mga nasusugatan dahil sa paputok, isa rin sa public safety concerns tuwing holiday season ang tumataas na insidente ng motorcycle accidents dahil nakainom habang nagmamaneho.

Batid ng Department of Health (DOH) na nagiging kapalit ng pagbaba ng insidente ng paputok ay pagbaling ng marami sa pag-inom at pagkatapos ay lasing na magmamaneho ng motorsiklo na kadalasan ay nauuwi sa disgrasya.


Dito ay iginiit ni Senate Committee on Health and Demography Chairman Senator Christopher “Bong” Go ang kahalagahan ng pagkakaroon ng responsableng pag-uugali tuwing may ganitong mga pagdiriwang.

Nakiusap ang senador na makinig sa DOH na huwag magmamaneho ng lasing dahil delikado at posibleng buhay pa ang maging kapalit.

Nagpaalala pa si Go sa publiko na kung mahal ang pamilya at mga anak ay unahin ang pagsunod at kaligtasan sa gitna ng selebrasyon ng Bagong Taon.

Muli ring nanawagan ang mambabatas sa taumbayan na ngayong New Year ay huwag nang maghanap ng sakit sa katawan at sundin ang payo ng health officials na umiwas sa pagpapaputok.

Facebook Comments