Nagpasya ang Quad Committee ng Kamara na paharapin si dismissed Bamban, Tarlac Mayor Alice Guo sa susunod na pagdinig nito ukol sa mga krimen at ilegal na gawain ng Philippine Offshore Gaming Operators o POGO.
Ayon kay House Committee on Public Order and Safety Chairman at Sta. Rosa Laguna Represetative Dan Fernandez may nakabinbin na imbitasyon ang Quad Committee kay Guo.
Sa pagdinig ay binanggit ni Committee on Public Accounts Chairman at Abang Lingkod Party-list Representative Joseph Stephen Paduano na nasa kostudiya pa ng mga awtoridad sa Indonesia si Guo kaya kikilos sila agad oras na maibalik na ito sa bansa.
Bunsod nito ay sinabi ni Quad Committee Overall Chairman at Surigao del Norte Representative Robert Ace Barbers na makikipag-ugnayan sila sa Senado para hilingin ang pagdalo ni Guo sa kanilang imbestigasyon.
Si Guo ay presidente umano ng Baofu Land Development Inc., na syang host ng mga POGO firms na Zun Yuan Technology at Hongsheng Gaming Technology Inc. na pawang sinalakay ng Presidential Anti-Organized Crime Commission (PAOCC) dahil sa pagkaksangkot sa mga kaso ng human trafficking, serious illegal detention, at fraudulent cryptocurrency investment operation.