Red-tagging, dapat imbestigahan muli ng Senado

Iginiit ni Senator Leila de Lima sa Senado na imbestigahan muli ang red-tagging at hindi makatwirang pag-iimbestiga ng law enforcement agencies sa mga abogado, hukom, mga guro at iba.

Ang hiling ni De Lima sa Senado ay nakapaloob sa inihain niyang Senate Resolution No. 689.

Layunin nito na bumalangkas ng panukala na titiyak sa kaligtasan at kapakanan ng mga professionals na naglilingkod sa bayan at lumalaban sa kawalan ng katarungan.


Malinaw para kay De Lima ang pattern ng mga hakbang ng Philippine National Police laban sa communist insurgency, ay nakatuon sa mga professionals na may koneksyon sa mga aktibista at progresibong grupo, kahit wala namang ebidensya ng krimen.

Bilang patunay nito ay tinukoy ni De Lima ang deriktiba ng Department of the Interior and Local Government sa lahat ng regional directors nito na isumite ang listahang mga empleyado ng gobyerno na kumpirmadong kasapi ng mga progresibong grupo.

Binanggit din ni De Lima ang liham ni Calbayog City Police Station Intelligence Chief Police Lt. Fernando Calabria Jr., sa Calbayog City Regional Trial Court Clerk of Court na humihingi ng pangalan ng mga abogado na umano’y kumakatawan sa mga Communist Terrorist Group personalities.

Giit ni De Lima, hindi ito ang nararapat na trato sa mga professional na ginagampanan lang ang tungkulin na irepresenta ang kanilang kliyente.

Facebook Comments