Regional Tripartite Wages and Productivity Board, inaasahang makabubuo ng katanggap-tanggap na halaga para sa dagdag na sahod

Umaasa ang majority group sa Kamara na makakabuo ang Regional Tripartite Wages and Productivity Board (RTWPB) ng katanggap-tanggap na halaga ng taas-sahod sa kanilang nasasakupan.

Kaugnay na rin ito sa pagpapakilos ni Labor Secretary Silvestre Bello III sa RTWPB na i-review ang daily base pay o ang minimum wage ng mga manggagawa at empleyado sa lahat ng rehiyon sa bansa.

Naniniwala ang kalihim na ang walang tigil na pagtaas sa presyo ng langis na pinalala pa ng kasalukuyang krisis sa Ukraine ay magpapaobliga sa mga wage boards na magrekomenda na ng adjustments o pagtatatas sa minimum pay ng mga manggagawa.


Kinatigan ng ilang kongresista ang posisyon ng Department of Labor and Employment (DOLE) na ang kasalukuyang minimum wage sa National Capital Region (NCR) na P537 ay hindi na makakaagapay sa pang-araw-araw na buhay ng mga obrero dahil sa mataas na presyo ng mga pangunahing bilihin tulad ng pagkain, kuryente at tubig.

Dahil dito, umaasa ang Kamara na pagkatapos ng review sa minimum wage ay makakapagrekomenda ang RTWPB ng makatarungan at katanggap-tanggap na dagdag sahod para sa mga manggagawa sa buong bansa.

Nagpahayag din ng kahandaan ang Kamara na tumulong sa pamahalaan para mag-apruba ng mga panukala na makakabawas sa epekto ng oil price hike.

Facebook Comments