
Nakatakdang ilabas bukas ng Korte Suprema ang resulta ng 2025 Bar Examinations.
Ayon sa SC, magbibigay muna ng mensahe si Associate Justice Amy Lazaro-Javier, na nagsilbing Bar Chairperson, bago opisyal na ilabas ang listahan ng mga nakapasa sa pagsusulit.
Bubuksan ang gate ng Supreme Court alas-diyes ng umaga, at maglalagay rin ng LED screens sa Courtyard kung saan ipapakita ang mga pangalan ng mga pumasa.
Nagpaalala naman ang Korte Suprema sa mga magtutungo sa lugar na sumunod sa tamang pananamit.
Hinimok din ng Kataas-taasang Hukuman ang mga BAR takers at kanilang pamilya na umasa lamang sa opisyal na anunsyo at komunikasyon ng SC para sa beripikado at napapanahong impormasyon.
Batay sa datos ng Korte Suprema, 11,425 ang nakakumpleto sa tatlong araw na pagsusulit—ang pinakamataas na bilang na naitala sa kasaysayan ng Philippine Bar.










