Nanawagan ang grupong Bantay Bigas sa pamahalaan na ibasura na ang Republic Act No. 11203 o ang “Rice Liberalization Law.”
Sa harap ito ng patuloy na pagtaas ng presyo ng bigas sa merkado.
Ayon sa tagapagsalita ng grupo na si Cathy Estavillo, sa nakalipas na apat na taon ay wala ‘ni isa sa mga pangako ng batas ang natupad gaya ng pagpapababa ng presyo ng bigas sa ₱25 kada kilo dahil na rin sa inaasahang pagdagsa ng imported rice.
Bigo rin aniya ang batas na matugunan ang problema ng mga magsasaka sa cost of production, kawalan ng lupang sakahan at mga post-harvest facility sa pamamagitan ng Rice Competitiveness Enhancement Fund o RCEF.
“Wala tayong nakitang pagbaba ng presyo ng bigas, tuloy-tuloy. Kahit 32 pesos, kahit 28 pesos, wala,” giit ni Estavillo sa panayam ng DZXL.
“Tapos ang pangako din nito sa’ting mga farmers ay magiging competitive ang ating mga farmers sa pamamagitan ng RCEF mula sa 10 billion [pesos] na makokolekta nito sa imported na bigas ay ibabalik sa mga magsasaka sa pamamagitan ng mga binhi, makinarya, loan, training.”
“After four years of implementation, kailanman ay hindi naging competitive ang ating mga magsasaka,” dagdag niya.
Samantala, kahit ‘artificial’ lang ang pagtaas ng presyo ng bigas ngayon ay duda ang grupo na bababa ang presyo nito kapag nagsimula na ang peak harvest season.
Paliwanag ni Estavillo, lahat kasi ng ani ay mapupunta rin sa mga traders na siyang nagtatakda ng presyo ng bigas sa merkado.
“Itong mga pribado, kaya nilang itakda ang presyo nito sa palengke dahil wala namang nagagawa ang gobyerno. Wala naman itong nailalabas na alternative price para mapababa niya yung presyo ng bigas sa palengke.”
Kaya naman apela niya, ibalik ang mandato ng National Food Authority na makialam sa presyuhan ng bigas.
“Ibalik yung mandate ng NFA na i-subsidize ‘yung presyo ng bigas sa merkado nang sa ganon ay may pagpipilian yung ating consumers na murang bigas na siya ding tiyak na magpapaba sa presyo ng commercial rice,” saad pa ni Estavillo.