
Kinuwestyon ni Justice Secretary Jesus Crispin Remulla ang kasong kidnapping na isinampa laban sa kanya ni acting Davao City Mayor Sebastian “Baste” Duterte sa Office of the Ombudsman-Mindanao.
Kaugnay ito sa pag-aresto at pagpapadala kay dating Pangulong Rodrigo Duterte sa International Criminal Court (ICC) sa The Hague sa bisa ng warrant of arrest.
Giit ni Remulla, ito ay isang uri ng “forum shopping” dahil mayroon nang nakabinbing kaso sa Korte Suprema na inihain ni Atty. Israelito Torreon.
Ayon pa sa kalihim, ginagamit lamang ang isyu para hadlangan ang kanyang nominasyon bilang Ombudsman.
Dagdag ng kalihim, ginagawa umanong “political spectacle” ng kaniyang mga kritiko ang proseso kahit hindi naman daw dapat.
Samantala, inamin din ni Remulla na wala pa siyang clearance sa aplikasyon sa pagiging Ombudsman dahil nakabinbin pa ang motion for reconsideration na inihain ni Senadora Imee Marcos matapos ibasura ang kanyang mga kaso sa Ombudsman.









