Seguridad sa paligid ng UST, mas lalo pang hinigpitan

Mas lalo pang hinigpitan ang seguridad sa paligid ng University of Santo Tomas (UST) sa Maynila.

Ito’y kasunod ng mga naitatalang pagtaas ng krimen sa University Belt.

Sa pahayag ni UST Secretary General Fr. Louie Coronel, nagdagdag na sila ng mga guwardiya na mag-iikot sa paligid ng unibersidad kasabay ng paglalagay ng karagdagang mga ilaw sa may bahagi ng Lacson Avenue para mapigilan ang krimen.


Sinabi pa ni Fr. Coronel na nakipag-ugnayan na rin ang pamunuan ng UST sa kalapit na mga barangay, lokal na pamahalaan ng Maynila at Manila Police District (MPD) para tumulong na mapigilan ang krimen.

Sinabi naman ni Police Lt. Col. Ramon Nazario, station commander ng Barbosa Police Station, nakarating na sa kanila ang mga ulat ng nangyayaring petty crimes tulad ng pangdurukot at pambabastos kaya’t nagdagdag na sila ng mga tauhan sa paligid ng UST.

Aniya, may mga police mobile na rin ang patuloy na iikot at magbabantay sa paligid ng UST partikular sa Lacson, Dapitan, P. Noval at España.

Nagkabit na rin sila ng mga tarpaulin sa mga gate ng UST kung saan nakalagay ang kanilang contact number at ilang mga payo para malaman ang gagawin upang maiwasan na madukutan o manakawan.

Facebook Comments