Hindi na umano maitatanggi ni Speaker Martin Romualdez na siya ang nasa likod ng People’s Initiative para sa Charter Change (Cha-cha).
Ito’y matapos ipakita ni Senator Chiz Escudero ang “resibo” ng isang video clip na kuha noong December 11, 2023 sa isang event sa Iloilo kung saan pagmamalaking sinabi ni Romualdez na ang rekomendadong paraan para amyendahan ang Konstitusyon ay sa pamamagitan ng People’s Initiative.
Sinabi pa ni Romualdez sa video na umaasa siyang maisasagawa ang People’s Initiative sa lalong madaling panahon upang malinawan sa mga hakbang na gagawin.
Giit ni Escudero, malinaw sa video na isa itong ‘Politiko’s Initiative’ at hindi matatawag na People’s Initiative.
Samantala, nagbigay-linaw naman agad ang tanggapan ni Cong. Joey Salceda sa sinabing ito ni Speaker Romualdez na isa lamang paghahayag ng suporta sa democratic process na People’s Initiative at hindi nangangahulugan na ang paghahayag ng suporta ay direktang partisipasyon na ng Kamara o kinokontrol na ng Mababang Kapulungan ang People’s Initiative.