Monday, February 9, 2026

Sen. Imee Marcos, pinabulaanan na siya ang pasimuno sa tangkang pagpapalit ng liderato ni SP Sotto; pag-target sa Senado sa flood control investigation, itinuturong dahilan ng kudeta

Mariing pinasinungalingan ni Senator Imee Marcos na siya ang instigator o pasimuno sa bantang kudeta sa liderato ni Senate President Tito Sotto III tulad ng mga lumabas sa ilang balita.

Iginiit ng senador na hindi siya ang kumumpas sa tangkang balasahan sa Senado at buong minorya aniya ang makakapagpatunay nito.

Katunayan aniya, huli na siyang nakaalam at sumapi sa naturang hakbang ng minorya na isulong ang pagpapalit ng liderato.

Katwiran ni Sen. Marcos, ang nagpaugong ng pagpapalit ng Senate president sa loob ng Senado ay general sense ng mga senador kahit ang mga kasapi ng mayorya dahil nagiging target ang Senado sa imbestigasyon ng maanomalyang flood control at infrastructure projects at hindi maaasahan ng mga mambabatas ang institusyon na dapat sana’y poprotekta sa kanila.

Matatandaang naunang sinabi ni Sotto na posibleng isa sa nag-trigger ng coup d’etat attempt laban sa kanya ay ang pagkakatanggal kay Sen. Imee bilang Chairman ng Senate Committee on Foreign Relations.

Facebook Comments