Inamin ni Senator Risa Hontiveros na nangamba siya noong una na posibleng hindi isama ni Pangulong Bongbong Marcos Jr. sa kanyang ikatlong SONA ang tungkol sa pag-ban ng POGO.
Ayon kay Hontiveros, noong una ay hindi na siya makapaniwala na halos patapos na ang talumpati ng pangulo ay wala pa ring nababanggit tungkol sa POGO.
Pero tila nakahinga si Hontiveros nang sa huli ay ianunsyo ni PBBM ang total ban ng lahat ng POGO sa bansa kung saan categorical na inihayag ng pangulo na simula ngayon ay epektibo na ang pag-ban ng POGO at hanggang sa katapusan ng taon ay dapat matiyak ng mga awtoridad na maipasasara ng tuluyan ang mga ito.
Samantala, si Senate President Chiz Escudero ay ikinagalak na inuna ni Pangulong Marcos ang mga isyung pinakamalapit sa sikmura ng mga Pilipino ang agrikultura at bigas at tinapos ito sa pinakamalaking isyu na sumisira ngayon sa bansa na mga POGO.
Dagdag pa ni Escudero, tapat, makatotohanan at komprehensibong tinalakay ng pangulo ang bawat isyu kahit pa ang ilan dito ay mga problemang hindi pa nasosolusyunan ng pamahalaan.