Senado, handang dagdagan ang pondo ng DOST para sa pag-aaral para sa rehabilitasyon ng mga nasirang bahura

Handa umano ang Mataas na Kapulungan ng Kongreso na bigyan ng dagdag na pondo ang Department of Science and Technology (DOST) kung magsasagawa sila ng pag-aaral sa pagkasira ng mga bahura sa ating mga sakop na karagatan.

Ginawa ni Senator Francis Tolentino ang pahayag sa gitna ng budget hearing ng DOST para sa taong 2024.

Kung matatandaan naging malaking usapin at problema ngayon ng bansa ang pagkasira ng mga bahura sa Rozul reef at sa Escoda Shoal na sinasabing kagagawan ng mga Chinese maritime militia vessels.


Sa budget hearing, naitanong ni Tolentino sa DOST kung may tanggapan ang ahensya na makapagsasagawa ng pag-aaral sa pagkasira ng mga coral reefs, coral discoloration, proteksyon ng maritime environment at rehabilitasyon ng mga dead corals na nadurog dahil sa ginawang pagsira.

Pangunahing concern ng senador kung paano maibabalik ang buhay ng mga bahura para makabalik at makapagparami ang mga isda at iba pang marine life.

Tinukoy pa ng senador na hiwalay itong pag-aaral sa UP Marine Science Institute.

Kung magagawa aniya ang kanyang mga nabanggit ay handang handa ang Senado na suportahan at dagdagan ang kanilang pondo para sa nasabing scientific study.

Tugon naman dito ni DOST Sec. Renato Solidum Jr., mayroon na silang existing na ganitong pag-aaral na tinatawag nilang coral reforestation.

Facebook Comments