Umapela na si Senator Risa Hontiveros kay Pangulong Bongbong Marcos na palayain na si dating Senator Leila de Lima.
Naniniwala si Hontiveros na hindi paglilipat ng detensyon tulad ng unang alok ni Pangulong Marcos kundi ang kalayaan na ang dapat ibigay kay De Lima.
Mismong si Hontiveros ay nanawagan na sa presidente na gawin na ang moral at legal na bagay at ito ay ang ibigay na ang kalayaan sa dating senadora.
Katwiran ni Hontiveros, halos lahat naman na ng testigo sa kaso ni De Lima ay binawi ang kanilang mga naunang testimonya kaya naman ang illegal drug cases na isinampa ng dating administrasyong Duterte ay balewala at dapat ibasura na.
Umaasa rin ang senadora na maging ang korte na dumidinig sa kaso ni De Lima at ang buong justice system ay gagawa na ng hakbang at makikita na wala talagang basehan ang mga kaso laban sa dating senadora.
Matatandaang inalok ni Pangulong Marcos si De Lima na mailipat ng detensyon pero ito ay tinaggihan ng dating senadora dahil pakiramdam niya ay mas ligtas pa rin siya sa Philippine National Police detention facility.