Senado, nanindigan na may kapangyarihan ang Kongreso na mag-postpone ng Barangay at SK Elections salig sa Konstitusyon

Nanindigan ang ilang mga senador sa batas na ipinasa na nagpapaliban sa Barangay at Sangguniang Kabataan Elections (BSKE).

Ang reaksyon ng mga mambabatas ay kasunod na rin ng paghahain ng petisyon sa Korte Suprema ng election lawyer na si Atty. Romulo Macalintal na kumukwestyon sa legalidad ng batas na pagpapaliban sa BSK Elections mula sa December 2022 sa October 2023.

Sinabi ni Electoral Reforms and People’s Participation Chairman Senator Imee Marcos na mismong ang konstitusyon ang nagbigay ng kapangyarihan sa Kongreso para tukuyin ang termino ng mga opisyal ng barangay.


Nangangahulugan lamang aniya na ang Kongreso ang may kakayahang makatukoy kailan idaraos ang BSKE.

Ganito rin ang pahayag ni Senator Jinggoy Estrada, isa sa mga nagsulong ng pagpapaliban ng BSKE na binibigyan ng legislative power ng Konstitusyon ang Kongreso at ito ang pinagbatayan ng kanilang authority nang aksyunan nilang ipagpaliban ang halalan sa susunod na taon.

Katunayan aniya, ang kapangyarihan na mag-postpone ng Barangay at SK Elections ay tatlong beses nang naisakatuparan bago pa man ang pagsasabatas sa Republic Act 11935.

Samantala, naniniwala naman si Senator Chiz Escudero na karapatan naman ng sinuman na kwestyunin sa Korte Suprema ang anumang batas na pinagtibay ng Kongreso.

Magkagayunman, mayroon na aniyang kapareho at naunang kaso kung saan pinaburan ng Korte Suprema ang consitutionality ng BSKE.

Sa panig naman ni Senate Minority Leader Koko Pimentel ay hihintayin niya ang aksyon ng korte sa nasabing petisyon.

Facebook Comments