Umapela si Senator Christopher “Bong” Go sa mga Local Government Unit (LGU) na ibigay ang lahat ng pangangailangan ng mga constituents na biktima ng Bagyong Paeng para sa agarang pagbangon mula sa kalamidad.
Partikular na pinatitiyak ni Go na bukod sa mga pagkain ay may sapat na gamot at medikal na pangangailangan ang mga residenteng nasa evacuation centers at mga health units na sinira ng bagyo.
Hiniling din ni Go, Chairman ng Committee on Health sa Senado, na nasisiguro ng mga awtoridad at mga nakakasakop sa lugar na mahigpit na nasusunod ang mga health protocols sa mga evacuation centers upang maiwasan ang hawaan ng sakit lalo na ang COVID-19.
Tiniyak naman ng senador ang patuloy na koordinasyon sa mga lokal na pamahalaan upang makapagpaabot ng suporta at tulong sa mga biktima ng bagyo.
Apela pa ni Go sa pamahalaan na mag-focus na sa pagkakaroon ng disaster-resilient nation kasabay ng panawagan na pagtibayin na agad ang mga legislative measures na pagtatatag ng Department of Disaster Resilience (DDR) at pagpapatayo ng evacuation centers sa bawat bayan, syudad at mga lalawigan.