Senador, hindi kumbinsido na hirap maghanap ng trabaho ang pandemic generation graduates

Hindi naniniwala si Senator Francis Tolentino sa naging report ng Commission on Human Rights (CHR) na nahihirapan ang mga mag-aaral na nagtapos sa panahon ng pandemya na maghanap ng trabaho bunsod ng kawalan ng soft at practical job skills.

Sinabi ni Tolentino na bagama’t naging hamon sa karamihan ang online learning, maraming “soft skills” ang nalinang sa mga kabataan sa panahon ng pandemic tulad ng time management, pagiging mapangunawa, pakikinig at pagkakaroon ng disiplina sa sarili.

Aminado naman ang senador na bahagyang naiwanan ang “interpersonal skills” o kakayahan na makipag-ugnayan sa ibang mga tao subalit tiwala pa rin aniya siyang dahil sa hard skills, maituturing pa ring competitive ang Pinoy graduates.


Samantala, para kay Senate Minority Leader Koko Pimentel, batid niyang maraming pangyayari sa bansa na nakakaalarma lalo na sa mga kabataan na bukod sa hirap makahanap ng trabaho, marami rin sa mga ito ang nahihirapang makabili ng sariling bahay dahil sadyang mahirap din ang buhay ngayon.

Dahil dito, iginiit ni Pimentel ang patuloy na paglalagak ng puhunan sa human capacity lalo na sa mga kabataan at tiyaking mayroon silang sapat na kaalaman at kagalingan na mapapakinabangan sa buhay.

Facebook Comments