Hindi na ikinagulat ni Senator Sherwin Gatchalian kung totoo man na nag-alok si dismissed Bamban, Tarlac Mayor ng P1 billion sa Filipino-Chinese trader na kaibigan din ni dating Senator Ping Lacson para mailapit siya sa first family upang magpasaklolo.
Sa pulong balitaan, sinabi ni Gatchalian na nakakagulat na ganoon kalaki ang halagang kayang ialok ni Guo, ibig sabihin, ganoon din kalaki ang perang gumugulong sa mga POGO.
Tinukoy pa ng senador na batay sa mga dokumentong kanilang nakalap, ang pumasok sa account ni Guo mula 2017 hanggang 2024 ay aabot sa P1.9 billion subalit nang silipin ang tax returns at family corporations ng mga Guo walang ganitong halaga na pumapasok sa kanilang mga negosyo.
Binusisi rin ni Gatchalian ang accounts ng QJJ farm na negosyo ni Alice Guo kung saan sa pagitan naman ng 2018 hanggang 2024 ay aabot sa halos P3 billion ang pumasok na pera at ito ang ginamit na pambayad sa mga contractors, renta ng kagamitan at pambayad ng kuryente sa POGO sa Bamban.
Sa sumatotal aniya, halos P5 billion ang accounted na perang pumasok sa mga accounts at negosyo ni Alice Guo na halos sing-presyo ng pagpapagawa ng POGO hub sa Bamban na aabot naman sa P6 hanggang P7 billion.
Sa napakalaking halaga aniyang ito ay hindi pa nakikita ang perang pumapasok sa ibang mga korporasyon ng mga Guo.
Samantala, wala pang desisyon ang Senado kung iimbitahan si Lacson sa volunteered information na isiniwalat nito kaugnay kay Alice Guo.