Naglatag si Senator Imee Marcos ng mga solusyon para sa pagpapatatag ng suplay ng bigas sa bansa sa kabila na rin ng isinusulong ng Kamara na pag-amyenda sa Rice Tariffication Law at pagbibigay ng kapangyarihan sa National Food Authority (NFA) na bumili at magbenta ng bigas.
Aminado si Marcos na takot at kinakabahan siya sa naging posisyon ng administrasyon na palawakin pa ang kapangyarihan ng NFA.
Ipinaalala ng senadora na sa mga nakalipas na taon na may poder ang NFA sa pagbili at pagbebenta ng bigas ay ilang taon ding nakaladkad ang ahensya sa mga isyu ng over-importation, overpricing, smuggling, nawawalang barge-loads ng bigas, kickbacks, favoritism, pagkabaon sa utang at iba pang kwestyunable at corrupt practices ng ahensya.
Bunsod ng mga eskandalong ito, iminungkahi ni Marcos ang government-to-government importation na wala ang NFA sa gitna ng “rice emergency” na kinakaharap ng bansa.
Isinusulong din ng senadora ang paglikha ng presidential commission para sa rice sufficiency at pinalalawig pa sa anim na taon o hanggang 2031 ang P10 billion rice fund para sa tuluy-tuloy na suporta sa mga magsasaka salig na rin sa Rice Tariffication Law.