Senator Bato dela Rosa, tiwalang matutukoy at mapapanagot sa batas ang mga dumukot sa mahigit 30 sabungero

Sa pagdinig ngayon ng pinamumunuan niyang Committee on Public Order and Dangerous Drugs ay umapela si Senator Ronald “Bato” dela Rosa na pakawalan na ang 31 mga sabungero para makabalik na sa kanilang pamilya.

Pero kung pinatay na ang mga ito, bilang Kristiyano ay umaasa si Dela Rosa na tumulong sila na ma-recover ang bangkay para mabigyan ng maayos na libing ang mga biktima.

Tiniyak ni Dela Rosa na hindi makakapagtago ang mga salarin dahil siguradong matutukoy sila ng mga awtoridad at mapapanagot sa batas sa laki ng krimen na kanilang ginawa.


Ayon kay Dela Rosa, ang mga ganitong demonyo ay siguradong dedemonyohin o tatraydorin din ng kanilang mga kasamahan kaya siguradong lalabas ang katotohanan.

Kaugnay nito ay iginiit naman ni Dela Rosa sa Philippine National Police (PNP) na paghusayin ang imbestigasyon sa pag-asang makuha ang mga biktima ng buhay.

Pinayuhan din ni Dela Rosa ang mga otoridad na huwag matakot sa sinumang malaking tao na posibleng makabangga sa kanilang pagresolba sa krimen at pagtupad sa kanilang trabaho.

Umapela rin si Dela Rosa sa pamilya ng mga biktima na huwag matakot ibahagi sa komite ang impormasyon na kanilang nalalaman para makatulong na mapabilis ang pagresolba sa kaso.

Facebook Comments