Tahasang tinawag na digital martial law ang ginawa ng Securities and Exchange Commission (SEC) na pagpapasara sa online news organization na Rappler.
Giit ni Assistant Minority Leader at ACT-Teachers Partylist Rep. France Castro, ngayon ay nasa digital martial law na ang bansa dahil sa patuloy na pag-target ng pamahalaan sa press gayundin ang censorship at pag-kontrol sa impormasyon na inilalabas sa publiko.
Tinukoy ni Castro ang shutdown sa ABS-CBN, ang pagpapasara sa mga websites ng mga progresibong organisasyon at independent media at ngayon ay ang kautusan naman ng SEC na i-shutdown ang Rappler.
Aniya, paalis na lamang si outgoing President Rodrigo Duterte ay patuloy pa aniya ang pag-atake sa freedom of the press.
Sinabi pa ng kongresista na ang pag-atake laban sa media ay panibagong tangka ng Marcos-Duterte regime na ilihis ang katotohanan sa kasaysayan at pambungad pa lamang ito sa mas mararahas pang hakbang laban sa mga kritiko ng pamahalaan.