Inirekomenda ng Mataas na Kapulungan ng Kongreso na maisama sa priority measures ng administrasyong Marcos ang siyam pang panukalang batas.
Sa ginanap na LEDAC meeting kasama ang Kamara at ang Punong Ehekutibo, ay ipinadadadag ni Senate President Juan Miguel Zubiri sa Common Legislative Agenda (CLA) ang siyam na panukala na sisikaping mapagtibay ngayong pagpasok ng second regular session ng 19th Congress.
Ang siyam na bills ay hiwalay pa sa 42 panukalang batas na kabilang na sa listahan ng agenda.
Kabilang sa mga panukalang nais maisama ng Senado sa prayoridad ng pamahalaan ang Philippine Defense Industry Development Act (PDIDA), Cybersecurity Law, at pagamyenda sa procurement provisions ng AFP Modernization Act.
Ayon kay Zubiri, ang mga nabanggit na panukala ay mahalaga sa pagpapalakas ng ating Armed Forces of the Philippines (AFP) at sa pangkalahatang pagsisikap na makapagtaguyod ng tunay na maaasahan o self-reliant na defense strategy.
Dagdag pa sa siyam na bills ang Academic Recovery and Accessible Learning (ARAL) Program Act, Batang Magaling Act, Safe Pathways Act, Open Access in Data Transmission Act, Tatak Pinoy Act, at Blue Economy Act.
Sinabi pa ni Zubiri na naging productive ang LEDAC meeting at si Pangulong Bongbong Marcos ay naging aktibo rin sa talakayan ng bawat panukala.