Special team na tututok sa pagbili ng COVID-19 vaccines ng pribadong sektor, isinusulong ng isang kongresista

Inirekomenda ni Ang Probinsyano Partylist Rep. Ronnie Ong ang paglikha ng special team na tututok para sa mabilis na delivery at procurement ng COVID-19 vaccines sa private sector.

Iginiit ni Ong na dapat luwagan ng Department of Health (DOH) at ng National Task Force (NTF) Against COVID-19 ang mga kondisyong itinakda para sa pagbili ng mga pribadong kompanya ng bakuna kontra COVID-19.

Katuwiran ng kongresista, ang mga restrictions ay lalo lamang nagpapabagal sa vaccination rollout at nagpapatagal sa pagkamit ng herd immunity sa bansa.


Ilang kompanya na rin aniya ang nagrereklamo na inaantala sila ng DOH at ng NTF.

Ang paglikha ng special team para sa pagbili ng COVID-19 vaccines ng pribadong sektor ang nakikitang solusyon ng mambabatas para mapabilis ang vaccination sa mga Pilipino.

Binigyang diin ni Ong na nakasalalay sa private sector ang kinabukasan ng ekonomiya kaya dapat lang na tulungan silang maibalik sa normal ang operasyon sa lalong madaling panahon.

Katwiran pa ni Ong na dapat maging katuwang ang gobyerno sa pagkuha ng kinakailangang bakuna ng mga kompanya sa halip na pahirapan ang mga ito sa procurement ng COVID-19 vaccines.

Facebook Comments