Bagsak na grado ang ibinigay ni House Deputy Minority Leader at ACT Teachers Party-list Representative France Castro sa unang 100 araw ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Ayon kay Castro parang may pagka-deja vu ang Marcos Jr., administration sa nakaraang administrasyon ni Duterte dahil marami umanong pinangako pero wala pa ding natutupad tulad ng pangakong pagtataas sa sahod ng mga guro na hindi nangyayari.
Binanggit ni Castro na nagpapatuloy rin ang harassment at red tagging sa mga kritiko at pumupuna sa administrasyon ni Pangulong Marcos.
Dismayado rin si Castro na mas inuna pa ni Pangulong Marcos Jr., ang mga mayayaman at dayuhang negosyante kumpara sa matagal ng naghihirap na mga Pilipino.
Pinuna rin ni Castro na sa proposed 2023 national budget ay inuna pa ang napakalaking bayad utang kesa sa mga batayang serbisyo para sa mamamayan.
Pinayuhan din ni Castro si Pangulong Marcos na tutukan ang power rate hikes, gayundin ang mataas na presyo ng basic goods, pagkain at transportasyon at kawalan pa rin ng dagdag na sahod sa mga manggagawa at government employees.