1st nominee ng Senior Citizens nangangambang hindi iuupo ng Comelec

Manila, Philippines – Nagpahayag ng pangamba ang  first nominee ng Senior Citizen Partylist na baka hindi siya pauupuin ng Commission on Elections (Comelec) bilang congressman o representative sa pagbubukas ng 18th Congress sa darating na Hulyo.

Sa isang media interview sa Maynila, sinabi ni  Atty. Godofredo Arquiza, ang first nominee ng Senior Citizen Partylist, may mga naririnig siyang usapan na ibang tao umano ang iuupo ng Comelec sa Kongreso.

Ang Senior Citizen Partylist ay nakakuha ng 516,000 votes nitong nakaraang halalan na sapat para sa isang upuan o puwesto sa Kamara.


Aminado si Arquiza na may mga problema ang partylist nila dahil may dalawang iba pa ang nag-file ng kandidatura at ginamit ang pangalan ng Senior Citizen.

Paliwanag ni Arquiza, noong 2016 election ay nakakuha ng two seats ang Senior Citizen pero nakapagtataka na ang second nominee na si Congressman Francisco Datol at ang third nominee na si Congressman Milagros Magsaysay  ang  pinaupo ng Comelec sa halip na misis niya na siya naman ang first nominee.

At nitong nakalipas na 2019 election, bukod kay Arquiza, nag-file din umano ng Certificate of Nomination and Acceptance (CONA) sina Datol at Magsaysay na kapwa mga first nominee sa kani-kanilang certificates pero nakapagtataka na tinanggap din ng Comelec ang kanilang application.

Si Arquiza ang umupong congressman ng Senior Citizen Partylist noong 14th at 15th Congress simula noong 2007 hanggang 2013.

Facebook Comments