Pinaiimbestigahan ng Makabayan bloc sa House Committee on Human Rights ang pagbisita ng mga tauhan ng Philippine National Police (PNP) sa pribadong bahay ng ilang mga mamamahayag pati ang isyu ng paglabag sa “right to privacy” at “right to information” ng mga tao.
Nakasaad ito sa House Resolution 484 na inihain nina House Deputy Minority Leader at ACT Teachers Partylist Rep. France Castro, Gabriela Women’s Party Rep. Arlene Brosas at Kabataan Party-List Rep. Raoul Danniel A. Manuel.
Sa resolusyon ay nagpahayag ng pagsang-ayon ang Makabayan bloc sa pahayag ng National Union of Journalists of the Philippines (NUJP) na bagama’t maganda ang intensyon ng PNP, ang pagbisita sa tahanan ng mga mamamahayag ay hindi nararapat.
Tinukoy ng Makabayan bloc na mas mainam na gawin ng PNP ang pagbisita sa mga newsrooms o direkta silang makipag-ugnayan sa mga organisasyon ng media.
Para sa Makabayan bloc, ang hakbang ng PNP ay maituturing na paglabag sa right to privacy ng mga journalist, gaya ng hindi awtorisado o ilegal na access o paglalabas ng kanilang personal na impormasyon tulad ng address.
Giit ng Makabayan bloc, dapat mag-imbestigahan ang Mababang Kapulungan dahil maghahatid ng takot at banta sa buhay ng mamamayan ang pagsasagawa ng mga awtoridad ng profiling at pagkakaroon nila ng access sa personal na impormasyon ng mga tao.