Nais ng Philippine Medical Association (PMA) na isang katulad ni yumaong dating Health Secretary Juan Flavier ang magiging susunod na kalihim ng Department of Health (DOH).
Ayon kay PMA President Dr. Benito Atienza, dapat mayroong konsiderasyon sa damdamin ng mga tao ang susunod na kalihim ng DOH kung isasaalang-alang ang patuloy na pagpapatupad ng universal healthcare.
Dapat din ay taglay aniya ng susunod na kalihim ang mahabang pasensya, malawak ang pang-unawa at pinahahalagahan ang pagpapabakuna.
Kailangan din ay iniintindi rin nito ang hinaing ng healthcare workers lalo na sa usapin ng mga benepisyo at sahod.
Dagdag pa ni Atienza, kailangan ang susunod na kalihim ay mapagkumbaba, tututukan ang mga pasilidad at malawak ang pananaw sa usapin ng kalusugan.