Asahan nang magtataas ang pamasahe sa eroplano ngayong Marso.
Inaprubahan na kasi ng Civil Aeronautics Board (CAB) na itaas sa level 7 mula sa level 6 ang passenger at cargo fuel surcharge ng mga domestic at international flights.
Batay sa level 7, ang fuel surcharge para sa domestic passenger flights ay naglalaro na sa ₱219 hanggang ₱739 depende sa layo ng kanilang biyahe.
Aabot naman sa ₱722.71 hanggang ₱5,373.69 ang fuel surcharge sa international passenger flights mula sa Pilipinas.
Dati nang nasa ₱185 hanggang ₱665 ang fuel surcharge sa domestic flights sa ilalim ng level 6 habang nasa ₱610.37 hanggang ₱4,538.40 sa international flights.
Ang fuel surcharge ay extra fee dahil sa pabago-bagong presyo ng jet fuel na ipinapataw ng mga airline company sa kanilang mga pasahero.