Nagpaalala ang Department of Labor and Employment (DOLE) sa mga employer hinggil sa tamang pasweldo sa mga empleyado para sa dalawang araw na holiday ngayong Agosto.
Sa Labor Advisory No. 17 Series of 2023 na inilabas ng DOLE, idineklarang special non-working holiday ang August 21 at regular holiday ang August 28.
Kung papasok ang isang empleyado sa August 21, dapat siyang makatanggap ng karagdagang 30% sa unang 8 oras sa kaniyang arawang sweldo, bukod pa sa karagdagang 30% kada oras sakaling mag-overtime ito.
Samantala, dahil deklaradong Regular Holiday ang Agosto 28, asahan na ang double pay para sa empleyadong papasok sa araw na ito sa kanilang unang 8 oras ng kanilang trabaho, bukod pa sa karagdagang 30% ng arawang sahod kapag nag-overtime.
Kung day-off o wala namang pasok ang isang empleyado at siya’y pinapasok sa naturang mga araw — dapat siyang makatanggap ng dagdag na 30% mula sa 200% ng kaniyang arawang sweldo, bukod pa sa dagdag na 30% ng kaniyang sweldo sa kada oras na overtime.