Iminungkahi ni BHW Partylist Rep. Angelica Natasha Co ang total travel ban sa bansa.
Kasunod na rin ito ng pagpasok sa bansa ng bagong SARS-COV-2 UK variant matapos magpositibo ang isang Pinoy mula sa United Arab Emirates (UAE).
Giit ni Co, hindi na nakakasiguro ngayon ang banta ng pagpasok ng mas maraming kaso pa ng bagong COVID-19 strain kaya dapat lamang na ipagbawal muna ang pagpasok sa bansa ngayon o sa lalong madaling panahon.
Kasama sa total travel ban ang mga dayuhan at mga Pilipino o OFWs hindi lamang sa UK kundi maging ang mga galing sa ibang bansa na pauwi ng Pilipinas.
Paliwanag ni Co, posibleng hindi lang ang Pilipino mula sa UAE ang nagpositibo sa bagong variant ng sakit at maaaring may iba pa na mula sa ibang bansa ang nagpositibo at nakapasok na sa Pilipinas at hinihintay na lang ang resulta ng test.
Bukod dito, patunay lamang na ang polisiya ng Inter-Agency Task Force (IATF) ay hindi ganoon ka-epektibo kaya marapat lamang din na iabandona o itigil na ito.
Bagama’t huli na ang total travel ban ngunit naniniwala ang lady solon na makakatulong ito para mapigilan ang pagpasok pa ng mas maraming kaso ng UK variant o iba pang bagong strain na maaaring umusbong na mas nakakahawa at mas delikado sa kalusugan ng mga Pilipino.