Transport Sector, umapela sa pamahalaan na ipagamit na sa mga provincial bus ang mga terminal sa Metro Manila

Nanawagan ang iba’t ibang grupo ng sektor ng transportasyon sa pamahalaan na ipagamit na sa mga provincial bus company ang mga terminal sa loob ng Metro Manila.

Bukod dito, umapela rin ang Nagkakaisang Samahan ng mga Nangangasiwa ng Panlalawigang Bus sa Pilipinas, Inc., at iba pang unions ng transport workers sa IATF, DOTr at MMDA na alisin na ang kautusan sa pagbabawal sa paggamit ng mga private terminal kasunod ng pagbubukas ng ekonomiya lalo na ngayong nasa ilalim na ng Alert Level 2 Status ang buong bansa.

Ito ay upang matulungan ang libu-libong commuters na hirap sa pagko-commute sa pagpasok sa kanilang trabaho araw-araw, lalo na ang mga nakatira sa probinsya at sa Metro Manila pa nagta-trabaho.


Partikular na pinunto ng grupo ang implementasyon ng Terminal Exchanges Scheme kung saan ang mga pasaherong mula sa Central at Northern Luzon ay hanggang Philippine Sports Arena sa Bocaue, Bulacan na lamang o sa Valenzuela City Gateway Terminal at hindi na sila papayagang makapasok sa Metro Manila.

Habang ang mga pasahero naman mula Mindanao, Visayas at Southern Luzon ay hanggang SM Sta. Rosa sa Laguna o sa Parañaque Integrated Terminal Exchange (PITX) sa Paranaque City na lang.

Giit ng grupo, kung papayagang makabalik ang mga probinsyal sa kani-kanilang terminal sa loob ng Metro Manila ay mas matutulungan ang mga pasahero, maiiwasan ang posibilidad na pagkahawa sa COVID-19 at matutulungan na hindi na mawalan ng trabaho ang mahigit 50,000 manggagawa sa transport sector.

Facebook Comments