Unang biyahe para sa rutang Naga-Legazpi, naging matagumpay

Naging matagumpay ngayong umaga, December 27 ang unang biyahe ng Philippine National Railways (PNR) matapos ang higit na anim na taon.

Ang 101 kilometro ay rutang Naga-Legazpi-Naga sa Bicol Region.

Ito’y kasunod pa rin sa hiling ng mga Bicolano na unti-unting magbalik ang serbisyo nito sa kanilang mga bayan at rehiyon.


Ayon kay PNR General Manager Jeremy, ang normal na pamasahe ay mula sa minimum na P15.00 hanggang sa pinakamataas na P155, depende sa final destination ng pasahero.

Umarangkada kaninang alas-5:38 ng umaga ang unang biyahe nito sa Naga City papuntang Legazpi City, at alas-5:45 ng umaga mula sa Legazpi City papuntang Naga City.

Kada hapon, ang biyahe mula Naga papuntang Legazpi ay sa ganap na alas-5:30 ng hapon habang ang biyahe naman mula sa Legazpi patungong Naga ay alas-5:47 ng hapon.

Tinataya namang tatagal ang biyahe (one-way) ng tatlong oras at apat na minuto sa nasabing ruta, kung saan babagtasin nito ang ilang bayan sa Camarines Sur at Albay.

Ang mga PNR stations sa ruta ay ang Naga, Pili, Iriga, Polangui, Ligao, Travesia, Daraga, at Legazpi.

Matatandaang noong Abril 2017 ay sinuspinde ng PNR ang train services sa nasabing ruta dahil sa kakulangan ng train coaches at locomotives.

Facebook Comments