Nagpahayag ng suporta ang Amerika sa Pilipinas kasunod ng panibagong pag-atake ng China Coast Guard sa mga barko ng Pilipinas na patungo sana sa Ayungin Shoal para sa resupply mission.
Ayon sa US Department of State, direktang banta ito sa kapayapaan at istabilidad sa rehiyon.
Sinabi rin nito na ang pambobomba ng water cannon ng People’s Republic of China (PRC) at hindi ligtas na pagharang at pagmaniobra sa mga sasakyang pandagat ng PCG noong Sabado ay nakasagabal sa ligal na pagpapatupad ng Pilipinas ng kalayaan sa paglalayag sa dagat at nalagay sa panganib ang kaligtasan ng mga lulang crew ng mga barko ng Pilipinas.
Ipinunto pa ng US na sa ilalim ng 2016 arbitration ruling, walang legal na basehan ang China sa maritime area sa palibot ng Secon Thomas Shoal na nasa loob ng Exclusive Economic Zone ng Pilipinas.
Muling inihayag ng US na salig sa 1982 Law of the Sea Convention, pinal at legal na may basehan ang arbitral ruling sa China at Pilipinas.
Bunsod nito, umapela ang US sa PRC na sumunod sa arbitral ruling gayundin irespeto ang kalayaan sa paglalayag na isang kalayaan na ipinagkaloob sa lahat ng estado.
Muling pinagtibay rin ng US ang kasunduan nito sa Pilipinas sa ilalim ng Article IV ng 1951 Mutual Defense Treaty kung saan nakapaloob na mag-iinvoke sa mutual defense commitments nito ang anumang armadong pag-atake sa mga barko, sasakyang panghimpapawid at sa Hukbong Sandatahan ng Pilipinas.