VP-elect Sara Duterte, hinamon ng ilang kongresista na suportahan ang panukala para sa ligtas na pagbubukas ng mga klase

Hinamon ng Kabataan Party-list si Vice President-elect Sara Duterte na suportahan ang panukalang Safe School Reopening Bill kung talagang seryoso ito sa target na “full face-to-face classes” sa Agosto.

Layunin ng panukala na paglaanan ng sapat na pondo ang ligtas na pagbubukas ng klase sa buong bansa mula low-risk hanggang high-risk areas.

Giit ni Kabataan Party-list Representative-elect Raoul Manuel, dapat ay suportahan ni incoming Department of Education Secretary Sara Duterte ang panukala at huwag gayahin ang ginawa ng kaniyang ama na si Pangulong Rodrigo Duterte na matagal na isinara ang mga paaralan.


Aniya pa, dapat ding matulungan ang mga kabataan na makabalik sa paaralan lalo pa’t marami sa mga pamilya ng mga ito ay hindi pa nakakabangon sa epekto ng COVID-19 pandemic.

Sa 19th Congress ay muling ihahain ng Kabataan Party-list ang Safe School Reopening Bill at Emergency Student Aid and Relief Bill kung saan hinamon din ang pamahalaan na sertipikahan itong urgent kung talagang seryoso ang gobyerno sa ligtas na balik-eskwela.

Facebook Comments