Naaresto ng mga tauhan ng Bureau of Immigration (BI) at ng Presidential Anti-Organized Crime Commission (PAOCC) si Yang Jian Xin sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 3 kagabi.
Si Yang ang nakatatandang kapatid ni Hong Ming Yang o Michael Yang na dating presidential adviser ni Dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Inaresto siya dahil sa pagiging undesirable alien.
Iniuugnay sa iligal na operasyon ng Philippine Offshore Gaming Operator (POGO) sa Pilipinas ang magkakapatid na Yang.
Sa pagdinig ng House Quad Committee, sinabi ni Santa Rosa Rep. Dan Fernandez na si Jian Xin na may Filipino name na Tony Yang, ang may-ari ng Oroone Inc., ang POGO sa Cagayan De Oro na ininspeksyon ng pulisya noong September 10.
Umuupa ang nasabing POGO sa Yangze Building na pagmamay-ari ng Golden Citi Development Inc., na ang incorporator ay si Antonio Lim na pinaniniwalaan din na si Tony Yang.
Samantala, ang isa pa nilang kapatid na si Hongjiang Yang ay nadiskubre naman na mayroong joint bank account kay Zhengcan Yu, isa sa incoporators ng Hongsheng Gaming Corporation ––– ang ni-raid na POGO sa Bamban, Tarlac na nasa loob ng baofu na pagmamay-ari naman ni Alice Guo.