
Kinalampag ng ilang grupo ang Korte Suprema na linawin ang tungkol sa inilabas na Temporary Restraining Order (TRO) kaugnay sa Bangsamoro Parliamentary Redistricting Act of 2025 o BAA No. 77.
Ito ay matapos ipahinto ng Supreme Court (SC) ang implementasyon ng batas na naglilipat ng pitong distrito sa rehiyon mula sa lalawigan ng Sulu.
Nananawagan ang mga naghain ng petisyon na linawin ang TRO at atasan ang Commission on Elections na agad ipagpatuloy ang mga paghahanda para sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) Parliamentary Elections.
Hindi anila dapat mahinto ang pag-iral ng demokrasya sa BARMM dahil lang sa mga pangamba at pag-abandona ng poll body sa kanilang tungkulin na magkaroon ng maayos at tapat na halalan.
Samantala, sa isang sulat ay kinondena rin ng grupo ang Comelec dahil nakaapekto umano sa 2.3 milyong botante sa rehiyon ang pagtigil ng preparasyon para sa eleksyon.
Hindi anila sinuspinde ng Korte Suprema ang mismong halalan kundi ang batas na nagdudulot ng kalituhan sa paglilipat ng mga distrito.
Sa October 13 ang itinakdang petsa ng kauna-unahang BARMM Parliamentary Elections na dati nang ipinagpaliban.









