Nakatakdang tumanggap ang pamahalaan ngayong linggo ng nasa 2,379,200 doses ng COVID-19 vaccines.
Layunin nitong mapalakas ang proteksyon ng mga healthcare workers sa harap ng surge ng bagong infections sa bansa.
Batay sa IATF Resolution No. 104 na inisyu kahapon, March 21, ang bansa ay makatatanggap ng nasa 1.4 million doses ng CoronaVac vaccines mula sa Sinovac Biotech.
Ang 400,000 doses ng CoronaVac ay ikalawang beses na magbibigay ang China ng libreng anti-COVID-19 vaccines sa Pilipinas, dagdag sa naunang 600,000 doses noong February 28.
Sabi ni National Task Force against COVID-19 Chief Implementer at Vaccine Czar Carlito Galvez Jr., ang AstraZeneca vaccines ay bahagi ng second tranche ng vaccine supply na nakuha ng pamahalaan mula sa COVAX Facility ng World Health Organization (WHO).
Pero sakaling maantala ang delivery posibleng maurong ito sa unang linggo ng Abril.
Ang delivery ng 979,200 vials mula sa AstraZeneca ay darating sa bansa mula March 29 hanggang April 2.
Sa ngayon, ang Pilipinas ay mayroong 1.12 million doses ng COVID-19 vaccines mula sa Sinovac at AstraZeneca para sa pagpapabakuna ng 1.7 million healthcare workers.
Una nang iginiit ni Galvez na ang delay sa vaccine delivery ay bunga ng global shortage lalo na at nakuha ng mga mayayamang bansa ang 80% ng supply.