2.3M doses ng mga bakuna, darating sa bansa bago matapos ang kasalukuyang buwan

Iniulat ni National Task Force Against COVID-19 Chief Implementer at Vaccine Czar Secretary Carlito Galvez na nasa 2,379,200 doses ng mga bakuna kontra COVID-19 ang inaasahang darating sa bansa ngayong buwan ng Marso.

Sa press briefing sa Malacañang, sinabi ni Galvez na bukas ay darating sa bansa ang 400,000 doses ng Sinovac vaccines na donasyon ng China habang sa pagitan ng March 24-26 ay darating naman ang nasa 979,200 doses ng AstraZeneca vaccines na mula sa COVAX Facility at sa March 29 inaasahan ang pagdating sa bansa ng 1M doses ng Sinovac vaccines na binili natin sa China.

Pagsapit naman ng 2nd quarter ng 2021 ay nasa 11.5M doses na mga bakuna ang darating sa bansa mula sa Sinovac, Gamaleya o Sputnik V, AstraZeneca, Moderna, Novavax at ang nalalabing bakuna mula sa COVAX Facility.


Samantala, sa 3rd quarter ng taon ay asahan na ang mas maraming vaccine deliveries na aabot sa 13.5M doses sa July, 20M doses sa August at isa pang 20M doses pagsapit ng Setyembre.

At sa 4th quarter ng taon, tig-20M doses ang matatanggap ng bansa sa buwan ng Oktubre, Nobyembre at Disyembre.

Kasunod nito, kumpiyansa ang pamahalaan na bago matapos ang taon ay mababakunahan na ang nasa 70M kabuuang populasyon ng bansa o yung tinatawag na herd immunity.

Facebook Comments