2.4 million skilled jobs, pinangangambahang mababakante dahil sa kawalan ng skilled workers

Nagbabala si House Ways and Means Committee Chairman Joey Sarte Salceda na posibleng magkaroon ng post-COVID-19 skills gap kung saan ang “unskilled workers” ay hindi makakahanap ng trabaho habang ang mga trabaho naman na nangangailangan ng skills ay hindi mapupunan ng mga manggagawa.

Nangangamba si Salceda na posibleng 2.4 million na skilled jobs ang maiiwang bakante o katumbas ng 6% ng labor force.

Ayon sa kongresista, ang silent crisis na ito ay tiyak na magpapalubog sa bansa dahil marami ang naghahanap ng trabaho pero hindi naman tumutugma sa kinakailangang skilled works.


Sinabi pa ng mambabatas na kahit magbalik at muling makabangon ang maraming negosyo, nagbabala ito na hindi na maibabalik ang mga trabaho dahil bukod sa hindi na ito kailangan ay lumipat na ang mga businesses sa online.

Asahan na aniya ang masakit na katotohanan na magkakaroon ng permanenteng pagbaba sa low-skill service sector at mahihila rin ang sahod bunsod naman ng oversupply ng unskilled workers.

Dahil dito, inirekomenda ni Salceda na maglunsad ang pamahalaan ng polisiya para ihanda ang workforce sa bagong ekonomiya sa pamamagitan ng reporma sa edukasyon at pagkakaroon ng training system upang mapunan ang mga trabahong nangangailangan ng mga pagsasanay o skills.

Facebook Comments