Kiangan,Ifugao – Tinangay ng mga holdaper ang 2.7 milyong piso mula sa tatlong empleyado ng Lagawe Multipurpose Development Cooperative o LDMC habang sakay ng dalawang motorsiklo patungong bayan ng Linoc partikular sa kahabaan ng Sitio Awa, Julongan Village, Kiangan Ifugao dakong alas syete ng gabi nitong nakaraang araw ng lunes, May 21,2018.
Sa panayam ng RMN Cauayan kay SPO1 Edwardo Belingon ng PNP Kiangan, Ifugao, aniya madaling araw ng May 22,2018 nagtungo sa himpilan ng pulisya ang tatlong empleyado ng LDMC na sina ginoong Chester Guazon, Marlon Dimangan at Jefrey Duyab upang ireport ang umanoy pagtangay sa halagang 2.7 milyong piso.
Sa salaysay umano ng mga biktima ay hinarang sila ng dalawa hanggang tatlong kalalakihan, tinutukan ng baril , hinawakan ang manibela ng motor at kinuha ang nasabing salapi.
Hindi narin umano nakatawag sa pulisya ang mga biktima pagkatapos ng panghoholdap dahil sa wala umanong signal sa mga oras na iyon.
Ngunit sa imbestigasyon ng PNP Kianga sa lugar ng pinangyarihan ay mayroong signal o pwede namang makatawag at mararating ang himpilan ng pulisya sa loob lamang ng bente minutos.
Samantala ang natangay na pera ay pambayad sana sa mga beneficiaries ng Department of Social Welfare and Development o DSWD na Pantawid Pamilyang Pilipino Program o 4P’s na nasa ilalim ng Conditional Cash Transfer o CCT program sa probinsya ng Ifugao.