Nagbabala ang National Task Force to End Local Communist Armed Conflict sa aktres na si Liza Soberano sa pagkiling nito sa militanteng grupo.
Ito’y matapos na lumahok ang aktres sa online women’s right talk ng Gabriela.
Batay sa nakasaad sa NTF-ELCAC Facebook page, sinabi ni Lt. Gen. Antonio Parlade Jr. na kahit hindi pa kasapi ng New People’s Army ang aktres ay dapat dumistanya na ito sa grupo.
Aniya, kung magpapatuloy kasi ang pakikipag-ugnayan niya sa grupo ay posibleng matulad siya sa sinapit ni Josephine Anne Lapira na dating Deputy Secretary General ng Gabriela Youth sa UP na nasawi makaraang maka-engkwentro ang militar tatlong taon na ang nakalipas.
Bukod kay Soberano, binalaan din ni Parlade si Miss Universe 2018 Catriona Gray.
Dapat aniyang mag-isip-isip ito sa mga desisyon at huwag sumunod sa yapak ni Ka Ella Colmenares na nagtatrabaho umano sa mga NPA sa lalawigan ng Quezon.
Matatandaang si Gray ay nagbibigay ng kaniyang mga komento sa ilang isyu sa bansa at kritiko rin ng kontrobersyal na Anti-Terrorism Law.