2-anyos na anak, pinainom at pinagyosi ng sariling ina

305

Arestado ang isang ina sa Quezon City matapos umanong painumin ng alak at hayaang manigarilyo ang dalawang-taong gulang na anak.

Kinilala ang nanay na si Gina Bina Terco, 25, ng Brgy. Sta. Monica, Novaliches, na inaresto bandang 8:30 ng umaga.


Ayon sa Quezon City Police District (QCPD), ang ama ng bata ang tumungo sa kanilang himpilan para isumbong si Terco matapos niyang matuklasan ang video ng pangyayari sa cellphone nito.

Aniya, makikita sa isang video na mismong ang ina ang nag-abot ng bote at nagpainom ng alak sa bata.

Maya-maya ay gumapang ang bata at inilagay sa bibig ang nadampot na nakasinding sigarilyo, na hinayaan naman at tinawanan lang ng ina.

Bukod sa naunang video, mayroon din kuha na ang kasintahan naman umano ng ina ang nagsindi ng sigarilyo para sa bata nang hindi nito masindihan ang lighter.

Nakakulong ngayon si Terco sa Novaliches Police Station 4 habang inihahanda ang isasampa ritong kasong paglabag sa Republic Act 7610 o ang Special Protection of Children Against Abuse, Exploitation and Discrimination Act.

Agad namang dinala ang bata sa Social Services and Development Department ng Quezon City.

Facebook Comments

From Advertisers