2-anyos namatay matapos umanong gastusin ng tatay sa bisyo, pambababae ang pondo pampagamot sa sakit

Hindi na nabigyan pa ng pagkakataong madugtungan ang buhay ng isang 2-ayos matapos umanong gamitin ng ama sa droga, party, at pambababae ang perang nalikom para sa pampagamot ng may sakit na anak.

Namatay sa sakit na spinal muscular atrophy ang batang si João Miguel Alves habang nasa kanilang bahay sa Brazil nitong Oktubre 17, ayon sa ulat ng The Sun.

Bagaman 7-buwan gulang pa lamang ang bata nang malaman na mayroong kondisyon kung saan humihina ang mga laman na ginagamit sa paggalaw, nagkakahalaga ng $90,500 o P4.6 milyon bawat dosis ng gamot para rito.


Dahil hindi kinaya ang malaking halaga, sinimulang humingi ng donasyon ng mga magulang ni João na sina Mateus Henrique Leroy Alves at Karine Rodrigues sa crowdfunding site na Vakinha noong 2018.

Sa loob lamang ng halos isang taon, nakalikom ang mag-asawa ng $248,000 o P12.7 milyon–parte umano nito ay mula pa sa isinagawang marathon sa kanilang lugar, Conselheiro Lafaiete.

Ayon sa mga lokal na media, nitong Mayo nang magpaalam umano si Alves kay Rodrigues na magsasanay bilang security guard sa Belo Horizonte.

Ngunit habang wala ang tatay, nahuli ni Rodrigues ang malaking halagang inilalabas at inililipat mula sa mga bank account kung saan nakatabi ang pondo para sa anak.

Matapos magsumbong ang ina sa pulisya noong Hulyo 8, inaresto si Alves, Hulyo 22 sa isang hotel sa Salvador.

Nanatili umano ang tatay sa hotel nang dalawang buwan at gumastos ng $150,000 o P7.6 milyon sa mga mamahaling gamit, droga, at bayarang babae.

Nang arestuhin, sinabi nitong biktima lang umano siya ng pangingikil.

Nahaharap sa kasong may kinalaman sa pagnanakaw at pagpapabaya sa pamilya si Alves na nakatakdang sintesyahan sa susunod na buwan.

Facebook Comments