
Arestado ang dalawang indibidwal sa isinagawang operasyon ng Quezon City Police District – Criminal Investigation and Detection Unit (QCPD-CIDU), sa koordinasyon sa Philippine Air Force (PAF) at Armed Forces of the Philippines (AFP) Directorate for Intelligence, dahil sa ilegal na pagbebenta ng unregistered Tirzepatide na ginagamit umano para sa weight management sa Barangay Bagumbayan, Quezon City.
Kinilala ang mga suspek sa alyas na “Mary Ann,” 30-anyos, receptionist, at “Francis John,” 30-anyos, delivery rider.
Nakumpiska ang 25 vials ng Tirzepatide, bacterial water solutions, packaging materials, labeling stickers, cellphones, at marked money.
Sa test-buy na sertipikado ng Food and Drug Administration (FDA), kinumpirma na hindi rehistrado ang mga produkto.
Dahil dito, itinuturing itong ilegal at posibleng mapanganib sa kalusugan ng mga konsyumer, lalo na sa gitna ng tumataas na demand sa weight loss products.
Nahaharap ang mga suspek sa kasong paglabag sa Republic Act No. 9711 o FDA Act of 2009.










