2 arestadong terrorist bombers sa Maguindanao, patay matapos magtangkang tumakas

Patay matapos magtangkang mang-agaw ng baril at tumakas mula sa mga pulis ang dalawang terrorist bombers na nahuli sa Maguindanao kaninang umaga.

Sa report ni Police Regional Office (PRO) Bangsamoro Autonomous Region Regional Director Police Brigadier General Samuel Rodriguez kay Philippine National Police (PNP) Chief PGen. Debold Sinas, ang dalawang napatay na suspek ay sina Rasul Dubpaleg at Bhadz Dubpaleg.

Kaninang alas-10:00 ng umaga nang maaresto ang dalawa ng pinagsanib na pwersa ng pulisya at militar sa Rajah Buayan, Maguindanao.


Habang sakay sila ng mobile patrol patungong Maguindanao Police Provincial Office, nagtangka umanong agawin ng mga suspek ang mga baril ng kanilang mga escort na nagresulta sa putukan na ikinasugat ng dalawa.

Agad silang isinugod sa Maguindanao Integrated Provincial Health Office pero idineklarang dead on arrival.

Sa pag-iimbestiga pa ng pulisya, ang dalawang suspek ay mga miyembro ng Dawlah Islamiya Hasan Group at core members ng Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF) Karialan-Bungos Faction.

Responsable ang mga ito sa dalawang insidente ng pambobomba sa Isulan, Sultan Kudarat, isa sa Midsayap North Cotabato at pambobomba sa Southseas Mall sa Cotabato City.

Facebook Comments