2 babae nagbebenta ng P2.4M COVID-19 test kits, arestado

Dinakip ng National Bureau of Investigation (NBI) ang dalawang babae sa Parañaque City na iligal na nagbebenta online ng COVID-19 test kits.

Kinilala ni NBI OIC Director Eric Distor ang mga suspek na sina Shanon April Mejia Alegre at Esseline Raisa Sy Ong.

Nahuli ang dalawa sa ikinasang entrapment operation ng NBI-Anti-Organized and Transnational Crimes Division (NBI-AOTCD) noong Mayo 14, sa BF Homes, kung saan walang naipakitang license to operate ang mga suspek.


Nasabat ang 200 kahon ng test kits na nagkakahalagang P2.4 milyon.

Kaugnay nito, iginiit ng NBI ang paalala ng Food and Drugs Administration (FDA) na hindi para sa personal use ang COVID-19 test kit at tanging sa lisensyadong physician, ospital o drugstores lamang ito makukuha.

Inihahanda na ang kaso laban sa dalawa.

Facebook Comments