2 Babae, Patay nang Mabangga ng Forward Truck sa Alicia, Isabela

Cauayan City, Isabela- Hindi na umabot pang buhay sa pagamutan ang dalawang babaeng sakay ng “kolong-kolong” matapos mabangga ng isang forward truck sa national highway ng Brgy. Rizaluna, Alicia, Isabela.

Sa imbestigasyon ng Alicia Police Station, nakilala ang drayber ng kolong-kolong na si Bella Lappao,52-anyos habang ang kasama nito ay nakilala namang si Novalie Pagapa, nasa tamang edad, isang licensed teacher na kapwa residente ng Brgy. M.H Del Pilar sa naturang bayan.

Ayon pa sa pagsisiyasat ng mga awtoridad, binabagtas ng drayber ng truck na si Teofy Masibay, 42-anyos, may-asawa at residente ng Imus,Cavite ang daan patungo sa timog direksyon habang sa kabilang linya ng daan naman ang kolong-kolong.


Sinasabing nag-overtake umano ang kolong-kolong sa linya ng forward truck na hindi naman napansin ng drayber na si Masibay hanggang sa mabangga niya ito.

Sinubukan ring iwasan ng suspek ang kolong-kolong subalit huli na ng mangyari ito at dahil sa matinding banggaan ay nagtamo ng malubhang sugat sa sa iba’t ibang bahagi ng katawan ang mga biktima partikular sa kanilang ulo.

Mahaharap si Masibay sa kasong Reckless Imprudence Resulting in Homicide and Damage to Properties.

Photo: March Barrientos

Facebook Comments