Dalawang araw bago ang State of the Nation Address o SONA, nilagdaan ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., ang dalawang bagong batas sa Malacañang ngayong araw.
Ito ang Republic Act No. 12009 o ang ‘New Government Procurement Act’ at Republic Act No. 12010 o ang ‘Anti-Financial Account Scamming Act’ na parehong priority bills ng Marcos administration.
Sa ilalim ng Government Procurement Act, mas magiging mabilis, episyente, at moderno na ang ginagawang procurement ng pamahalaan.
Layunin din ng bagong batas na hindi lamang makakuha ang pamahalaan ng mababang halaga ng mga binibiling gamit sa halip ay matiyak ang kalidad ng mga binibili nito.
Sa ilalim naman ng Anti-Financial Account Scamming Act ay mabibigyang proteksiyon ang publiko at financial institutions laban sa cyber criminals.
Ayon sa pangulo, mas lalakas at mas magiging episyente ang biyurukrasya kasunod ng pagkakalagda sa dalawang bagong batas.