2 bahay natupok sa sunog sa QC

Dalawang bahay ang tinupok ng apoy matapos na sumiklab ang sunog sa imbakan ng mga retaso na ginagawang basahan sa  Block 14 Gravel Pit Barangay Commonwealth, Quezon City sa dakong alas-3:00 ngayong madaling-araw.

Ayon kay QC Bureau of fire Protection (BFP) operations chief Major Joseph Del Mundo, nagsimula ang apoy sa ikalawang palapag ng storage area na pagmamay-ari ng isang Teresa Artiaga.

Sinabi pa ni Del Mundo na agad itinaas sa second alarm ang sunog para mas malaki ang bilang ng mga bumberong darating dahil na rin sa laki ng bilang ng mga kabahayan na posibleng madamay sa paglaki ng apoy.


Alas kwatro y uno kaninang madaling-araw nang tuluyang maapula ang sunog at hindi na tumaas pa sa ikalawang alarma.

Wala naman nasaktan o nasugatan sa sunog habang iniimbestigahan pa kung ano ang pinagmulan ng pagsiklab ng apoy.

Facebook Comments