Cauayan City, Isabela- Sugatan ang isang drayber at pahinante ng closed van truck na naglalaman ng feeds matapos makabanggaan ang isa pang truck at magliyab ang kanilang mga sasakyan pasado alas-3:55 kaninang madaling araw sa Nagsabaran, Diadi, Nueva Vizcaya.
Sa panayam ng 98.5 iFM Cauayan kay SFO2 Jefferson Ventura, Fire marshal ng BFP Diadi, nadamay rin ang dalawang bahay matapos sumiklab ang sunog mula sa gas tank ng closed van.
Una rito, binabagtas ng dalawang drayber ang magkasalungat na daan ng magkaroon ng head-to-head collision hanggang sa bumangga ang closed van sa kabahayan at nasunog na maswerte namang walang iba pang nadamay sa insidente.
Ayon pa kay Ventura, bago pa man sumiklab ang sunog ay nakatalon na ang mga sakay ng isa pang trailer truck kung kaya’t hindi sila nadamay sa sunog.
Sa hiwalay na imbestigasyon ng Diadi Police Station, parehong Howo trailer truck ang sangkot sa insidente na minamaneho ni Wilfredo Faustino, 66-anyos at residente ng Malolos, Bulacan at isang Isuzu truck na minamaneho naman ni Walter Taguinod, 44-anyos na residente ng Tuguegarao City, Cagayan.
Parehong nagtamo ng malubhang sugat sa katawan ang driver ng dalawang trailer truck at helper na si Christopher Flores, 42 anyos na pawang dinala sa isang ospital.
Tumagal naman sa higit isang oras bago naapula ng Bureau of Fire Protection (BFP) Diadi ang sunog na tumupok sa dalawang truck.
Samantala, nagpaabot na ng tulong ang lokal na pamahalaan ng Diadi sa pamilya ni David Garcia at pamilya ng kanyang anak matapos madamay ang kanilang bahay sa sunog kung saan namigay ng food packs, tubig, construction kit mula sa Office of Civil Defense (OCD) Region 2 para maibsan ang nangyaring insidente sa kanila.