2 BARANGAY SA BAGGAO CAGAYAN, NASA TOTAL LOCK DOWN

Cauayan City, Isabela – Dalawang barangay sa Baggao, Cagayan ang nasa ilalim total lockdown matapos magpositibo sa Corona Virus Disease 2019 (COVID-19) ang isang 60 taong gulang na lalaki.
Sa pahayag ni Mayor Joan Dunuan ng nabanggit na bayan, naka lock kdown na ang mga barangay ng Tallang at Remus. Matatandaan na ang bagong COVID patient ng Cagayan ay mula sa barangay Remus, Baggao, Cagayan.

Ang lockdown ay epektibo mula sa araw na ito, Abril 28, 2020, 12:01 ng madaling araw. Mahigpit na ipapatupad ang pagsusuot ng face mask sa lahat ng mamamayan sa dalawang barangay kahit nasa loob sila ng kanilang mga bahay.

Dagdag pa ni Mayor Dunuan, agad na niyang ipinag utos ang pagsasagawa ng contract tracing sa lahat ng mga pinuntahang lugar at mga huling nakasalamuha ng pasyente kasama na na ang kaniyang pamilya at iba pang mga nakahalubilo sa kanyang pinagtratrabahuhan bilang magsasaka at tindero ng karne.


Aminado ang alkalde na malaking hamon sa kanila ang contact tracing dahil maraming nakaugnayang tao bago napag-alamang positibo sa virus ang pasyente. Bilang magsasaka, ayon pa sa punong bayan ay marami itong nakasalamuha at tinulungan pa siya ng mga barangay tanod sa kanilang lugar. Nagbebenta rin umano ang pasyente ng karne kayat malawak ang kailangan nilang gawing contact tracing.

Samantala, palaisipan pa rin sa kanya kung papaano nahawaan ng virus ang pasyente gayong hindi ito lumalabas sa bayan. Dalawang bagay ang ikinukonsidera ng mga otoridad sa posibilidad na pinanggalingan ng kumapit na COVID-19 sa kanya. Una ay maaring mula sa anak ng pasyente na galing Taiwan noong Pebrero 15 at ang pangalawa ay maaring sa mga nagdedeliver ng mga pagkain papasok ng Baggao mula sa ibat ibang lugar na may food pass.

Nasa quarantine facility na ngayon ang mga indibidwal na na-trace at minomonitor ng Municapal Health Office kasama ang mga opsiyal ng lokal na pamahalaan.

Facebook Comments